Tumaas pa ang bilang ng mga hindi awtorisadong sasakyan na dumaraan sa EDSA busway na nahuli ng pinagsanib na puwersa ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, PNP Highway Patrol Group o HPG at Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT.
Batay sa 11am update ng MMDA, pumalo na sa 333 ang bilang ng mga motoristang lumabag at nabigyan ng ticket dahil sa iligal na pagdaan sa busway.
Kasama sa mga nabigyan ng ticket ang mga unmarked government vehicle na walang official function, mga pulis, mismong kawani ng MMDA at iba pa.
Nakaposte sa tatlong lugar sa EDSA ang mga naninita partikular na sa EDSA-Mandaluyong City, EDSA-Cubao at EDSA Magellanes patungong Taft Avenue sa Pasay City.
Ang mga lumalabag ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 at isang buwang suspensyon ng driver’s license sa ikalawa, P20,000 at isang taong suspensyon ng driver’s license sa ikatlo.
Habang P30,000 at rekomendasyon sa Land Transportation Office o LTO na bawiin ang lisensya sa ika-apat na paglabag. | ulat ni Jaymark Dagala
: Joey Razon