Handang umalalay sa publiko ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa may 4,866 na mga Police Assistance Desk na nakakalat sa iba’t ibang sementeryo at iba pang matataong lugar ngayong araw.
Ito’y kasabay na rin ng paggunita ng sambayanang Pilipino sa tradisyonal na Undas o All Saint’s Day ngayong araw gayundin sa All Soul’s Day bukas, November 2.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, maliban sa mahigit 27,000 pulis ay kanilang makakatuwang ang mahigit sa 22,000 force multipliers buhat naman sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang na rito ang tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga lokal na pamahalaan.
Kasama na rin ani Fajardo ang mga Non-Government o Civic Organizations na kanilang makakatuwang upang tiyaking magiging ligtas, maayos, at mapayapa ang paggunita ng Undas.
Muli namang nagpaalala si Fajardo sa publiko hinggil sa mga ipinagbabawal dalhin sa mga sementeryo ngayong Undas. | ulat ni Jaymark Dagala