Namahagi na ng agarang tulong si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga magsasaka at mangingisda sa Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol kamakailan.
Partikular na pinuntahan ng kalihim ang General Santos at mga kalapit probinsya, at tiningnan ang kanilang sitwasyon doon.
Pinangunahan din niya ang pamamahagi ng National Irrigation Administration ng P26.3 milyong halaga ng makinarya at mga tseke, para sa indemnity at mga pautang sa irrigators groups sa Koronadal City, South Cotabato.
Sa General Santos City, namahagi si Laurel ng mga buto ng gulay, planting materials, at indemnity claims na nagkakahalaga ng P4.7 million.
Bukod pa rito ang pamamahagi ng fishing boats at paraphernalia sa 54 na mangingisda na nagkakahalaga ng P2.08 milyon.
Tinutugunan din ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pinsala sa fish cages na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
Sa ngayon aniya, may tatlong team mula sa Department of Agriculture ang nagsasagawa ng field validation sa iba’t ibang lugar sa Region XII na naapektuhan ng lindol. | ulat ni Rey Ferrer