Umaasa si House Appropriations Chair at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na uumpisahan na sa mga susunod na taon ang mga major infrastructure sa Bicol.
Kabilang dito ang Bicol Expressway, revival ng train system at cruise ship terminal na malaki ang magiging ambag sa paglago ng rehiyon at sa hangaring ‘national connectivity’.
Sa ngayon ayon sa mambabatas, nasa proseso na ang gobyerno ng pagbili ng mga ari-arian upang masiguro ang right-of-way habang sisimulan naman ng isang pribadong kumpanya ang konstruksyon.
Paliwanag ng Bicol solon, kapag nagawa ang Bicol Expressway ay mababawasan ang biyahe pa-Bicol ng lima hanggang anim na oras at solusyon upang maibsan ang traffic.
Aniya, nakipagpulong na siya kay San Miguel Corporation Ramon Ang kasama si DPWH 5 Regional Director Virgilio Eduarte para sa property procurement.
Dagdag ng House Appropriations Chair, maraming benepisyong hatid ang mga nakalinyang proyekto sa Bicol region na pakikinabangan ng mga Bicolano gaya ng inaasahang pagdagsa ng mga turista sa lahat ng lugar sa rehiyon.
Binanggit rin ng mambabatas ang ongoing International cruise ship terminal na magdadala ng positibong paglago habang ang budget allocation para sa Samar-Sorsogon Bridge na ayon kay Cong. Co ay kasalukuyang tinatrabaho pa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes