Ramdam na ng bagong liderato sa Department of Agriculture (DA) ang matagumpay na bunga ng mga direktiba at inisyatibo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para palakasin ang produksyon ng palay sa Pilipinas.
Pangunahing bahagi sa pamumuno ni Pangulong Marcos bilang dating Secretary of Agriculture ay ang pagpataw ng mga direktibang pabor sa magsasaka at kontra sa importasyon.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi lang sapat ang abot-kayang bigas sa merkado kundi naging magandang taon din ng pag-ani ang 2023 para sa mga magsasaka.
Kasama sa mga kautusan ng Pangulo sa DA ay ang libreng binhi, pataba, tulong pinansyal at teknikal na suporta sa mga magsasaka.
Itinaas din ang farmgate price ng palay sa mga Pilipinong magsasaka. Pinabili ito sa National Food Authority (NFA) sa mataas na presyo, ngunit ipinabebenta naman ng mura sa merkado.
Tiniyak ni Laurel Jr. na ipagpapatuloy nila ang mga nasimulang “pro-farmer policies” ni Pangulong Marcos sa ahensya.
Tututukan din ng DA ang pagpapalakas sa lokal na produksyon ng bigas at iba pang produkto sa pamamagitan ng modernisasyon, improved logistics at unti-unting pagtanggal ng mga middleman.| ulat ni Rey Ferrer