Nagsagawa ang mga bagong halal na Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Naga City ng leadership formation workshop, para mapalago at mabigyan ng kaalaman ang mga kabataang opisyal para magampanan nila nang husto ang tungkulin at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Ginawa sa pakikipagtulungan ng Galing Pook Foundation at Young People’s Council PH, at suporta mula sa Angat Buhay, layon ng Matino at Mahusay Young Leaders Formation Series na mapalakas ang mga SK official para maitaguyod ang paglahok ng taumbayan at aktibong mamamayan.
Pinangunahan nina Galing Pook Board Member Kiko Miranda at Executive Director Georgina Hernandez Yang ang mga sesyon sa workshop kasama ang mga practitioner at eksperto sa youth development at governance.
Tinalakay sa workshop ang paghahatid ng serbisyo at pagpapatupad ng mga programa na nakabatay sa datos, kabilang ang youth profiling at ID system.
Napag-usapan din ang paggamit ng social media para mapalakas ang mga mekanismo sa transparency, pagpapatibay ng mga konsultasyon sa bawat sona, at pagpapatuloy ng mga programa na magpapalakas sa mga kabataan habang tinutugunan ang kanilang pangangailangan.
Plano ng SK Federation of Naga City na gamitin ang kanilang mga natutunan para makabuo ng 10-Point Youth Agenda, na magsisilbing pangunahing direksiyon ng kanilang pagkilos sa ehekutibo at lehislatura sa kanilang dalawang taong termino.
Ayon pa kay Felix, iaakma nila ang mga ito sa kanilang 8-Advocacy Directional Areas sa larangan ng good governance, health, education, active citizenship, economic empowerment, arts and culture, environment, at sports development.
Sa sentro ng pag-unlad ng mga komunidad ay isang lokal na pamahalaan na tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan.
Bunsod nito, nagbibigay ang Galing Pook ng suporta, kagamitan at iba pang resources sa LGUs para makabuo sila ng solusyon sa mga hamon sa kanilang komunidad.
Nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Naga ng kabuuang 14 awards para sa kanilang mga programa, at mga espesyal na parangal mula sa Galing Pook Awards noong panahon ni dating Mayor Jesse Robredo.
Bilang pangunahing institusyon na nagtataguyod ng innovation, sustainability, citizen empowerment, at excellence sa lokal na antas, binibigyan ng mga programa ng Galing Pook Foundation ang mga lokal na pamahalaan ng kaalaman at mga magagandang pagkilos na magsusulong ng pag-unlad sa kanilang sariling lokalidad.
Mula noong 1993, kinilala ng Galing Pook Awards ang mga magagandang programa ng LGUs kasunod ng mabusising proseso ng pagpili, at nagsilbi rin itong modelo para sa Seal of Good Local Governance. | ulat ni Michael Rogas