Pinaiimbestigahan ng mga senador sa Senate Committee on Ethics ang diumano’y lumabas na impormasyon tungkol sa kanilang naging caucus kahapon tungkol sa panukalang 2024 budget.
Sa sesyon ngayong hapon, tinukoy ni Senador Jinggoy Estrada ang lumabas na artikulo sa isang news website na nagpapangalan ng siyam na senador na diumano’y pabor na ibalik ang confidential and intelligence fund (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd), na una nang tinapyas ng Kamara.
Pero giit ni Estrada, mali-mali ang mga nakasulat sa news article na ito.
Wala aniyang nangyaring botohan tungkol sa CIF at sa katunayan ay sumang-ayon silang lahat na alisin na ang lahat ng CIF ng mga civilian agencies.
Tinawag naman ni Senador Chiz Escudero na hindi leak kundi chismis lang ang inilabas ng naturang news outlet dahil wala itong katotohanan.
Pero kahit hindi totoo ang impormasyon na lumabas sa news article, ikinakabahala ng mga senador kung paanong nakaabot sa isang media outlet ang napag-usapan sa kanilang caucus.
Binigyang diin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na seryosong usapin ang paglalabas ng anumang impomasyong napag uusapan sa caucus o executive session ng Senado dahil maaari itong makaapekto sa kredibilidad ng Mataas na Kapulungan.
Idinagdag rin ng mga senador na kabilang sa mga posibleng implikasyon ng sinasabing paglalabas ng impormasyon mula sa isang executive session ay ang mawalan ng kumpiyansa ang ibang ahensya, lalo na ang mga security agencies, na magbahagi ng mga sensitibong impormasyon.
Ipinunto naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na base sa section 129 ng rules of the Senado ay maaaring ma-expel ang isang senador na maglalabas ng anumang impormasyon sa nagpag usapan isang executive session o caucus habang ang senate employee o staff namang gagawa nito ay maaaring ma-dismiss sa trabaho. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion