Iminumungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bumuo ng task force para matutukan ang imbestigasyon tungkol sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Juan “Johnny Walker” Jumalon sa Misamis Occidental.
Ang pahayag na ito ng Senate president ay kasabay ng pagpapahayag niya ng mariing pagkondena sa pagpatay sa mamamahayag.
Umapela rin si Zubiri sa mga awtoridad na agad na resolbahin ang kaso at arestuhin at kasuhan ang mga suspek sa kasong ito para maibigay kaagad ang hustisya
Aniya, kailangang gamitin ang buong pwersa ng batas para mapabilis ang pagresolba sa kaso.
Bukod dito, nais ring ipasilip ng senador sa mga awtoridad ang mga political killings na nangyayari sa Misamis Occidental.
Si Jumalon ang ikalawang mamamahayag na napatay ngayong taon at ika-apat sa ilalim ng administrasyong Marcos. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion