Mariing kinondena ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang walang-awang pagpatay ng New People’s Army sa isang magsasaka sa Zamboanga sa mismong araw na idineklara ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang amnestiya para sa lahat ng rebeldeng grupo.
Ayon kay NTF-ELCAC National Secretariat Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., binaril ng “point-blank” sa ulo ng mga teroristang komunista ang 48-taong gulang na magsasakang si Ricardo Quijano dahil lang hindi siya nakapagbigay ng pagkain sa mga ito.
Sinabi ni Torres na ang krimeng ito ay “diabolical” na kailangang magawaran ng hustisya sa lalong madaling panahon.
Sa kabila ng huling atrosidad ng CPP-NPA-NDF, tiniyak ni Torres na magpapatuloy ang “convergence activities” ng NTF-ELCAC sa kanyang mga local partner para tuluyang mawakasan ang mga teroristang komunista.
Hinimok naman ni Torres ang mga nalalabing miyembro ng CPP-NPA-NDF at Rebulusyonaryong Partido ng Manggagawa-Pilipinas (RPMP) na magbalik-loob na sa pamamagitan ng amnestiyang alok ng Pangulo. | ulat ni Leo Sarne