Suportado ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang hakbang na isinusulong ni Sen. Ronald Bato dela Rosa na gawing kriminal na kaso ang pagrerecruit ng New People’s Army sa mga paaralan.
Sa hearing kahapon ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni dela Rosa, sinabi ng Senador na ang kanyang isinusulong na Senate Resolution 863 ay para mabigyan ng proteksyon ang mga mag-aaral mula sa biolenteng idolohiyang komunista, bilang bahagi ng pagpapatupad ng anti-terrorism act of of 2020.
Layon ng resolusyon ni dela Rosa na linawin ang legal na pananagutan ng mga guro at mga administrator ng mga paaralan na mapatunayang sangkot sa radikalisasyon at recruitment ng mga estudyante para maging miyembro ng NPA.
Layon din nitong matukoy ang mga “loophole” sa Anti-terrorism Law dahil sa nagpapatuloy na recruitment ng NPA sa mga paaralan sa kabila ng pagpapatupad ng naturang batas.
Ang mga opisyal ng NTF-ELCAC, Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHed), at mga representatante ng security sector ay kabilang sa mga dumalo sa naturang Senate hearing. | ulat ni Leo Sarne