Nanindigan ang PNP na pangkalahatang naging maayos at mapayapa ang nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng 47 validated election-related incidents na mas mataas ng 17% sa 40 naitala noong 2018 BSKE.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, ipinaliwanag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na mas maganda pa rin ang naging pangkalahatang pagdaraos ng nagdaang halalan dahil walang lugar na nakaranas ng failure of elections.
Ayon kay Fajardo, inaasahan na aniya ng PNP na magiging mainit ang tunggalian sa nagdaang halalan dahil sa tagal ng panahon na lumipas mula nang huling idaos ang BSKE noong 2018.
Binigyang diin ni Fajardo na tama ang naging threat assessment ng PNP at ang ginawa nilang pagde-deploy ng dagdag-pwersa sa mga lugar na klasipikado sa red category ang nakatiyak na matagumpay na naisagawa ang halalan sa 100% ng mga barangay sa bansa.
Base sa unang datos na inilabas ni Fajardo, mas mababa pa rin ang 47 insidenteng iniulat sa BSKE 2023 sa 97 insidente na naitala noong 2010 BSKE at 57 insidente noong 2013. | ulat ni Leo Sarne