Nakakuha na ng DNA sample ang Philippine National Police (PNP) mula sa pamilya ng nawawalang Batangas beauty Queen na si Catherine Camilon.
Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A chief, Police Colonel Jacinto Malinao Jr., sumailalim ang mga magulang at kapatid ni Camilon sa Buccal Swab Collection ng Batangas Forensic Unit kahapon.
Gagamitin ang DNA sample para maikumpara sa nakuhang 17 piraso ng hibla ng buhok at 13 patak ng dugo sa kulay pulang Honda CRV, na pinaniniwalaang pinaglipatan sa duguang katawan ni Camilon.
Una nang sinampahan ng reklamong Kidnapping and Serious illegal detention ang persons of interest sa kaso na sina: Police Major Allan Avena de Castro, Mr. Jeoffrey Ariola Magpantay at dalawang John DOE.
Si Maj. de Castro ang umano’y katagpuan ni Camilon bago siya iniulat na nawawala; habang ang kanyang driver/bodyguard na si Magpantay ang kinilala ng mga testigo na nakitang naglipat ng duguang babae mula sa isang Nissan juke patungo sa pulang CRV. | ulat ni Leo Sarne