Panggugulo ng isang pulis sa isang bar sa QC, kinondena ni Mayor Joy Belmonte

Facebook
Twitter
LinkedIn

Mariing kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang napaulat na insidente ng karahasan na kinasangkutan ng dating hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) na si Police Lieutenant Colonel Mark Julio Abong.

Sa ulat ng QCPD, naaresto si Abong noong linggo ng madaling araw matapos sunggaban ang necktie ng isang waiter sa Ralyoz Bar sa Brgy. Laging Handa at dalawang beses pang nagpaputok ng baril nang lumabas sa bar.

Ayon kay Mayor Belmonte, walang puwang ang ganitong gawi sa Lungsod Quezon.

Iginiit din ng alkalde na ang tsapa ay hindi permiso sa pang-aabuso.

Kasunod nito, humingi ng paliwanag ang alkalde sa liderato ng QCPD at PNP kung ano ang estado ni Abong na dati nang inalis sa serbisyo ng QC People’s Law Enforcement Board (PLEB).

Dating hepe ng QCPD-CIDU si Abong na kinasuhan noon dahil sa pagkakasangkot sa hit-and-run at tangkang pag-cover up sa kaso.

Tinukoy ng alkalde ang naunang desisyon ng PLEB noong Marso kung saan nahatulan nang ‘Guilty’ si Abong at sinibak sa serbisyo.

“Ayon pa sa PLEB, immediately executory ang kanilang desisyon. Ito ang nakasaad sa Republic Act Nos. 6975 at 8551, lalo na ang Napolcom Memorandum Circulars 2019 – 005 at 2016 – 002, na nagsasabing ang pagpataw ng dismissal ay dapat ipatupad agad ng PNP, kahit may pending appeal pa man ang pulis na nasasangkot. Klaro ang isinasaad ng batas.”

Kaugnay nito, tiniyak naman ng alkalde sa mga negosyante sa Quezon City na patuloy na poprotektahan ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga negosyo at tauhan.

Una nang sinabi ng QCPD na wala itong magiging special treatment sa nahuling pulis na mahaharap sa mga kasong Illegal Discharge of Firearms, Alarms and Scandals, R.A. 10591 in relation to Omnibus Election Code, Physical Injury, at Slander. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us