Itinutulak ng isang mambabatas na bigyang proteksyon ang mga manggagaawa sa business process outsourcing (BPO) industry.
Sa ilalim ng House Bill 9342 o BPO Workers’ Welfare and Protection Act of 2023 ni Las Piñas Representative Camille Villar, ipagbabawal sa mga BPO company na pagbayarin ng bond ang empleyado gayundin ang pagpapataw ng iba pang bayarin oras na umalis ito ng kumpanya bago pa man magtapos ang kontrata nito.
Bibigyang proteksyon din ang BPO workers mula sa diskriminasyon dahil lang sa ethnicity, gender, sexual orientation, age, race, color, religion, political o iba pang opinyon, national, social, o geographical origin, disability, property, birth, civil status, pregnancy, physical characteristics o disability, at iba pa.
Agad na ring ikokonsidera bilang regular na empleyado ang makakatapos sa 6-month probationary period.
Kailangan din na hindi hihigit sa walong oras ang trabaho kada araw o katumbas ng 6-day work week.
Hindi rin sila maaaring basta na lang alisin sa trabaho maliban na lang sa mga kadahilanang nakasaad sa Labor Code.
Ang mga BPO na lalabag oras na maisabatas ang panukala ay papatawan ng multa na hindi bababa sa P100,000 at/o pagkakakulong ng hindi bababa sa dalawang buwan, at hanggang isang taon.
“Kailangan nating pangalagaan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan, na nagta-trabaho sa mga BPO companies nang sa gayun ay masiguro natin ang patuloy ng paglago ng industriya. Higit sa ano pa man, kapakanan ng ating mga manggagawa ang pangunahing responsibilidad ng pamahalaan,” sabi ng kongresista
Pagbibigay diin ni Villar, marapat lang na bigyan ng proteksyon ang mga BPO worker lalo at marami na ring pribilehiyo ang ibinigay ng pamahalaan sa mga BPO company.
Tinukoy pa nito na batay sa IT and Business Process Association of the Philippines ang workforce ng BPO ay maaaring umabot ng hanggang 1.7 million na may revenue na $35.9 billion o P2 trillion ngayong taon. | ulat ni Kathleen Forbes