Suportado ng Pasay City government ang Manila Bay reclamation lalo at inaasahang makakalikha ito ng isang milyong trabaho at bilyong pondo para sa social services ng lungsod.
Sa briefing ng House Committee on Ways and Means sinabi ni Pasay City Administrator Peter Manzano na malaki ang maibibigay na benepisyo ng Pasay Eco-City Coastal Development Projects.
Kasama sa Eco-City ang 360 ektaryang reclamation project sa ilalim ng joint venture ng SM Smart City Infrastructure and Development Corporation na tinatawag na “Pasay 360”.
Paliwanag ni Manzano, magsisilbi itong economic multiplier, generator ng milyong trabaho, at makakalikha ng bilyong kita mula sa buwis.
Ang koleksyong ito, makatutulong aniya hindi lamang sa lungsod kundi sa national government, katunayan sa kanilang pagtaya, kikita ang national government ng hanggang P16 billion sa regulatory at extraction fees pa lang.
Habang higit P600 billion ang tinatayang magiging total value ng kabuuang proyekto sa hinaharap
“The national government already stands to generate close to P16 billion in regulatory and extraction fees. Once reclamation is completed, the national and local government stand to gain, at no financial cost, 131.25 hectares of saleable reclaimed land with a future estimated total value of over P650 billion once the area and its amenities are fully developed,” ani Manzano.
Sa pagtataya ng city government, ang national taxes mula sa pamumuhunan at negosyo sa reklamasyon ay aabot ng P1.3 trillion sa loob ng 35 taon. Ang kita naman ng Pasay City government mula sa real property at business tax ay mahigit P1.1 trillion. | ulat ni Kathleen Jean Forbes