Inirekomenda ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Richard Gordon na maglagay ng hospital ship sa Gaza coast at border, pati na sa loob ng refugee camp.
Ito ay sa gitna ng tumitinding gulo sa pagitan ng Israel Defense Forces at militanteng grupong Hamas.
Ayon kay Gordon, mahalagang mabigyan ng atensyong medikal ang mga nasugatan, may sakit, mga bata, matatanda, buntis, at ang lahat ng mga madadamay sa gulo.
Sa isang panayam, sinabi ni Gordon na nasa 16,000 ang mga buntis sa Gaza ngayon. Kaya giit nitong kinakailangan na maghatid ng humanitarian assistance sa naturang lugar.
Kaugnay nito ay hinimok ni Gordon ang international community na suportahan ang International Federation of Red Cross/Red Crescent (IFRC) sa panawagang maglagay ng international humanitarian corridor upang matiyak na ang mga pangangailangan gaya ng pagkain, produktong petrolyo, at tubig para matulungan ang mga nadamay sa gulo. | ulat ni Diane Lear