Agarang bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) “Johnny Walker” ang Philippine National Police (PNP) upang tutukan at papanagutin ang mga salarin sa pagpaslang sa isang brodkaster kahapon, Nobyembre 5, sa Brgy. Don Bernarfo A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.
Matatandaan na pinagbabaril habang nagpo-programa at naka-livestream sa Facebook si Juan T. Jumalon o mas kilala bilang “DJ Johnny Walker,” 57 anyos ng 94.7 Gold FM Calamba ng hindi pa tukoy na salarin sa loob ng kaniyang radio booth.
Nasaksihan din ng mga manonood sa social media ang naturang insidente na kung saan huli rin ang pagtangay ng suspek sa kuwintas na suot ng biktima matapos itong pagbabarilin.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, dalawang suspek ang pumasok sa loob ng home-based radio station ng biktima at mayroong isang nagbabantay sa labas na getaway vehicle o motorsiklo.
Ayon kay Police Regional Office 10 Regional Director PBGen. Ricardo G. Layug, Jr., agarang nagsagawa ng in-depth at coordinated investigation ang SITG kaugnay sa insidente.
Aniya pa, batay sa imbestigasyon, sinusuri ng mabuti ang lahat ng anggulo upang matukoy ang posibleng dahilan sa nangyaring krimen.
Sa kasalukuyan ay ginagawa pa ang computerized facial composite batay sa testimonya ng mga eyewitness.
Inatasan din ni General Layug ang SITG Commander na isiwalat ang facial composite sa oras na matapos ito para makatulong ang publiko sa pagtutukoy sa mga salarin ng karumal-dumal na krimen.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng mga kapulisan at titiyaking mareresolba ang kaso sa madaling panahon. | ulat ni Sharif Timhar Habib Majid | RP1 Iligan