Inamin ng Philippine National Police (PNP) na naaapektuhan na ng mga operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang kanilang oras at resources.
Sa plenary deliberation sa panukalang 2024 budget ng PNP, natanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung magkano ang nailalaan ng PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga lugar kung saan nag-o-operate ang mga POGO.
Gayundin, aniya, sa pagresolba ng mga POGO-related crimes.
Bagama’t hindi nagbigay ng partikular na halaga ang sponsor ng PNP budget na si Senador Sonny Angara, inamin naman nitong nakakaapekto nga ang pag-monitor sa mga POGO sa budget ng kapulisan.
Kabilang aniya sa malaking gastos ng PNP dito ang pakain para sa mga naaarestong indibidwal na sangkot sa POGO.
Sa ngayon ay sinumite na para sa plenary approval ang panukalang P196.74 billion budget ng PNP.| ulat ni Nimfa Asuncion