Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa Oslo Joint Communique kung saan nagkasundo ang pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na pag-usapan ang pagwawakas ng limang-dekadang armadong pakikibaka sa bansa.
Sa isang statement na inilabas ng PNP Public Information Office (PIO), tinukoy ang Oslo Joint Communique bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng isang mapayapa, maunlad at nagkakaisang bansa.
Pinuri ng pamunuan ng PNP ang karunungan, lakas ng loob, at “commitment” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuklasin ang lahat ng daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan, rekosilyasyon, at pagkakaisa.
Tinatanggap ng liderato ng PNP na maraming hamong kakaharapin, kasabay ng pagpapahayag ng paniniwala na ang “sustainable peace” ay mangangailangan ng positibong partisipasyon ng lahat ng panig.
Tiniyak pa ng PNP ang kanilang kahandaang mag-ambag sa anumang paraan para makamit ang mga napagkasunduan sa Oslo Joint Communique. | ulat ni Leo Sarne