Muling nagpaalala ang Quezon City Police District (QCPD) sa publiko na magdoble ingat lalo’t talamak na naman ang mga masasamang loob na nasa likod ng mga “salisi” modus na target ang mga nakaparadang sasakyan o motorsiklo.
Ayon kay QCPD OIC Police Colonel Melecio Buslig Jr., mula nitong Setyembre, ay may mga nabiktimang mga motorista na naiiwan ang mga sasakyan o motor na hindi naka-lock.
Kasama rito ang insidenteng naganap noong September 14 sa Brgy. Masagana kung saan isang biktima ang natangayan ng motorsiklo.
Batay sa CCTV footage sa lugar, lumalabas na inisa-isa ng suspek ang mga naka-park na sasakyan at motorsiklo sa naturang area at target ang hindi naka-lock na motorsiklo.
Agad naman itong nai-report at narespondehan ng mga Pulisya at na-recover din ang natangay na sasakyan.
Kasunod nito, pinaiigting na rin ng QCPD ang kampanya nito kontra “salisi” modus para rin agad na maaresto ang mga nasa likod ng naturang krimen.
Payo naman ng QCPD sa publiko, huwag kakalimutang i-lock ang sasakyan at tiyaking parating dala ang susi bago bumaba ng sasakyan. Huwag din mag-iiwan ng mahahalagang gamit katulad ng cellphone, laptop, at pera na pwedeng maging target ng mga kawatan. | ulat ni Merry Ann Bastasa