Ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang muling pagtatayo ng mga napinsalang paaralan at ospital, dahil sa 6.8 magnitude na lindol na tumama sa Sarangani Province, Biyernes nang hapon.
“Medyo mahirap kasi baka mag-aftershock pa. So, mag-ingat muna tayo. ‘Pag-ingatan muna natin. We’ll just have to support the population that have lost their homes,” — Pangulong Marcos Jr.
Sa situation briefing sa General Santos City, sinabi ng pangulo na ang tanging humadalang lamang sa reconstruction na ito ay ang nagpapatuloy pang aftershocks sa lugar.
“Ang problema talaga, hanggang assessment lang muna tayo kasi hindi tayo pwede magtayo ng kahit ano ‘pag gumagalaw pa rin. Hindi feasible ‘yung ganun. Masisira lang ang bago nating ilalagay,” — Pangulong Marcos Jr.
Base sa ulat ng Sarangani LGU, 20 public school at 78 classrooms ang napinsala dahil sa lindol.
Nasa 32 paaralan naman ang napinsala mula sa GenSan.
“Yung re-construction, ‘yun ang kailangan natin lalo na ‘yung eskwela, ‘yung mga hospitals, what is the damage? Ano extent ng damage? ‘Pag sinabing damaged, what does that mean? Are they still operating, o talagang nasira na, ano ‘yung situation?” he added.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa pamahalaan na simulan na ang paghahanda ng construction materials para sa mga pamilya na wala nang tirahan, upang agad rin masimulan ang pagtatayo ng bahay, sa oras na bumuti na ang sitwasyon doon.
“Hindi pa talaga tayo tapos sa assessment. Pero habang ginagawa natin ‘yan, habang ini-inspeksyon ‘yung mga structures, the DSWD [Department of Social Welfare and Development] will provide all of the assistance that we always give with the LGU’s help,” ani Pangulong Marcos.
Kung matatandaan, una na ring siniguro ni Pangulong Marcos sa mga biktima ng lindol, na matatanggap nila ang lahat ng kinakailangang ayuda mula sa gobyerno.
Sabi ng Pangulo, makikipagpulong siya sa Department of Science and Technology (DOST), upang talakayin ang frequency ng lindol na tumama sa Mindanao. | ulat ni Racquel Bayan
📷: PCO