Nag-alok ng pabuya ang ride hailing company na Angkas para sa sinumang makapagtuturo sa motoristang bumangga sa isang motorcycle taxi na ikinasugat ng driver at angkas nito.
Ito’y makaraang mag-viral ang isang video na pinost sa social media hinggil sa nangyaring insidente kaninang umaga sa bahagi ng EDSA Santolan sa Mandaluyong City.
Ayon kay George Royeca, Chief Executive Officer at Co-Founder ng Angkas, bagaman hindi niya binanggit kung magkano ang iniaalok na pabuya, nais niyang matulungan ang isa nilang tauhan na makamit ang katarungan.
Batay sa nag-viral na video, binabaybay ng Angkas rider ang kahabaan ng EDSA Southbound nang bigla itong banggain ng kulay orange na Suzuki XL7 na may plakang NEM 7804.
Nabatid na nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng rider at ng driver ng SUV hanggang sa banggain na niya ito, dahilan upang tumilapon ang rider at ang kaniyang pasahero. | ulat ni Jaymark Dagala