Pinangunahan ni Defense Sec. Gilbert Teodoro ang ika-84 na anibersaryo ng Department of National Defense (DND) ngayong araw.
Kasama ng Kalihim ang lahat ng opisyal ng Kagawaran gayundin ang mga opisyal at ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa pangunguna ng Chief of Staff nito na si Gen. Romeo Brawner Jr.
Nasa pagtitipon din ang mga opisyal at ilang kawani ng Office of the Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ni Teodoro na malaking hamon ang pagtutok sa usapin ng pagtatanggol ng soberenya ng Pilipinas partikular na sa West Philippine Sea.
Tuloy-tuloy din aniya ang pagtataguyod sa kapakanan ng mga sundalo gaya ng AFP Modernization at pagtutuwid sa sistema ng pagpapensyon.
Kasunod nito, umapela rin ng tulong si Teodoro sa publiko upang malabanan ang epekto ng climate change na siyang sanhi ng mga mapaminsalang kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala