Papanagutin ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) ang mga security agency na matuklasang nagkaroon ng pagkukulang sa pagpapatupad ng seguridad sa mga terminal ng bus.
Ayon kay PNP-SOSIA Chief PBGen. Gregory Bogñalbal, maglalabas sila ng panibagong direktiba sa lahat ng security agencies sa bansa partikular na ang mga nagde-deploy ng mga security guard sa mga terminal na paigtingin pa ang isasagawa nitong pagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa loob ng mga terminal.
Kabilang na rito ay ang mandatory na pag-iinspeksyon sa mga pasahero at kanilang bagahe, sa pamamagitan ng mga metal detector at mga bomb-sniffing dog.
Ito ay bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa sa mga terminal ng bus ng mga magsisiuwian sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong malapit na ang yuletide season.
Paalala ni Bogñalbal, ang mga security agency na mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan sa pagpapatupad ng seguridad ay maaring mamultahan ng P10,000 hanggang P20,000 para sa first offense; P20,000 hanggang P50,000 para sa second offense; at P50,000 hanggang P100,000 naman plus subject for revocation ng kanilang license to exercise security profession para sa 3rd offense. | ulat ni Leo Sarne