Aapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Majority Bloc ng Senado na huwag madaliin ang pagpapasa ng 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Ito ay matapos sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na target ng Mataas na Kapulungan na maaprubahan sa ikatlong pagbasa ang 2024 GAB sa November 27.
Sinabi ni Pimentel na kakausapin niya si Senate Committee on Finance Chairperson Senador Sonny Angara na ayusin ang timeline ng pagtalakay sa panukalang pambansang pondo para magkaroon ng sapat na panahon ang Minority Bloc na mabusisi ito, lalo na’t dadalawa lang sila sa Senado.
Paliwanag ng senador, posibleng bumaba ang kalidad ng magiging intervention ng Senado sa 2024 GAB kung gagawing paspasan ang pag-apruba dito.
Imumungkahi rin aniya ng Minority leader na sa unang bahagi ng kanilang deliberasyon ay talakayin nila ang panukalang pondo ng mga mahahalaga at kritikal na mga ahensya ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion