Sa pagbabalik sesyon ng Kamara ngayong araw, muling dinipensahan ni Speaker Martin Romualdez ang Mababang Kapulungan mula sa mga walang basehang kritisismo at paninira.
Bumuwelta si Romualdez laban sa ilang personalidad na ang tanging nais ay magkaroon ng pagkakawatak-watak.
Sa talumpati ng House leader, binigyang diin nito na tatayuan nito ang Kamara at titindig ang Kapulungan laban sa mga nananakot para lang masunod ang kanilang gusto.
Tinuran ni Romualdez, na magkakaiba man ng pananaw at paniniwala ng nasa higit 300 miyembro ng Kamara ay nagkakaisa naman sila para ipaglaban ang institusyon na kanilang pinaglilingkuran, at para patuloy na maisakatuparan ang kanilang mandato.
Dumipensa rin si Romualdez sa ginawang realignment ng Mababang Kapulungan sa 2024 national budget.
Aniya, walang pinaboran ang Kamara sa pinagtibay na panukalang pondo.
Wala rin aniyang personalan sa ginawa nilang mga desisyon bagkus ay bahagi lang ng trabaho.
“The House was never lenient, nor did it favor anyone. The entire process was dedicated to uplifting the lives of our fellow citizens and staying true to the fundamental principles of the system of checks and balances in the government. Wala pong personalan dito. Trabaho lang.” giit ni Romualdez.
Sinabi rin ni Romualdez, na bagamat may ilang sektor at indibidwal na nais dungisan ang imahe ng Kamara para sa pansariling interes, ay nakita naman aniya ng publiko ang kanilang pagtatrabaho dahil na rin sa resulta ng mataas na performance rating na nakuha ng institusyon.
“As you are well aware, despite all the hard work we have done to accomplish the goals we have set, certain sectors or individuals with misplaced priorities choose to malign and tarnish the positive image of this very institution which we labored hard to achieve. Our efforts did not go unrecognized, as evidenced by the fact that, according to the latest surveys by reputable polling groups, we received the highest performance rating for the third quarter of 2023,” ani Romualdez.
Dagdag pa nito, na ang kanila aniyang mga nagawang trabaho ang magsisilbing patunay ng kanilang katapatan sa bansa, Saligang Batas at sa sambayanang Pilipino.
“Let our outputs speak for our loyalty to our country, the Constitution, and the entire Filipino people. Our defense against those who endanger the integrity of the House of Representatives is to fulfill our utmost priority, which is to bring forth the most significant and responsive pieces of legislation,” wika pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes