Tuloy-tuloy ang biyahe ng karamihan sa mga jeepney sa Lungsod ng San Juan ngayong araw.
Ito’y sa kabila ng tigil-pasada na ikinasa naman ng grupong MANIBELA bilang pagtutol pa rin sa PUV modernization program ng pamahalaan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, iilang tsuper lamang ng jeepney na miyembro ng MANIBELA ang tumigil na sa pamamasada matapos ang isang ikot na biyahe.
Pero sa halip na sumama sa kilos-protesta, sinamantala ng mga tsuper na humimpil sa gilid ng N. Domingo at Lourdes Drive para linisin at ayusin ang kanilang jeepney.
Kabilang sa mga hawak na ruta ng MANIBELA sa San Juan City ay ang biyahe patungong Divisoria sa Maynila at Kalentong sa Mandaluyong.
Pero sa kabila nito, hindi naman naapektuhan ang mga pasahero at wala namang naitalang nai-stranded sa daan. | ulat ni Jaymark Dagala