Naharang ng Bureau of Customs-Port of Clark ang isang shipment na napag-alamang may laman na walong kilong shabu na aabot sa ₱56 milyon ang street value.
Ayon sa inilabas na impormasyon ng customs, may timbreng nakuhA ang Philippine Drug Enforcment Agency dahilan kaya sumailalim sa mahigpit na proseso ang shipment kabilang ang pagpapadaan sa x-ray at K9 units.
Dahil pawang positibo ang resulta sa K9 at xray ay nagsagawa na ng physical inspection ang mga awtoridad sa shipment dahilan sa pagkakadiskubre ng walong brown heat-sealed plastics na nakadeklara bilang dry food na dumating sa bansa noong December 17, 2023 mula California, USA.
Base sa eksaminasyon ng PDEA chemical laboratory, lumalabas na ang nakuhang laman ng nasabing mga plastic brown bag ay pawang mga metamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, na isang dangerous drug sa ilalim ng RA 9165.
Arestado din ng mga awtoridad ang claimant ng naturang shipment sa pamamagitan ng isang controlled delivery operation nitong December 19 sa Cavite.
Ayon naman kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang naturang operasyon ay patunay lamang sa kanilang layunin na protektahan ang kalusugan ng publiko laban sa epekto ng ‘illicit drug trade’ sa bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: BOC