Inanunsyo ni PNP Public Information Office Chief (PIO) at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na P1 milyong pisong pabuya ang ibibigay sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan at pagkakakilanlan ng dalawang lalaking itinuturing na persons of interest sa pagpapasabog sa Mindanano State University noong December 3.
Nakita sa CCTV footage na nakalap ng mga awtoridad ang dalawa na sakay ng motorsiklo habang papunta hanggang sa paalis ng MSU matapos ang pagsabog.
Nakita rin sa CCTV ang lalaking backrider naka-white long-sleeve na may bitbit na bag na ayon kay Fajardo ay naglalaman ng 60 mm mortar at RPG na ginamit sa pambobomba.
Pumasok aniya ang dalawa sa MSU gym dala ang bag bandang 7:03, at lumabas ng 7:11 na wala nang bag.
Ang dalawang POIs ay bukod pa sa mga tinukoy nang suspek ng pulisya na sina Cadapi Mimbisa alyas Engineer at Arsani Membisa alyas Khatab/Hatab/ Lapitos na pinaniniwalaan namang nag-plano ng pambobomba at nakita ng mga testigo na nasa misa bago mangyari ang pagsabog. | ulat ni Leo Sarne