Aabot sa 2.6 milyong mga pasahero ang inaasahang daragsa sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) 10 araw bago mag-Pasko.
Ayon kay PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador, nakahanda na ang terminal sa pagdagsa ng ating mga kababayan na uuwi at magsisibakasyon ngayong holiday season.
Dagdag pa ni Salvador, inaasahan na ang pagdagsa ng pasahero simula ngayong araw hangang sa ikatlo ng Enero ng susunod na taon.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na sila sa transport operators upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa biyahe ng mga bus at pagsiguro na may sapat na bilang ng mga bus ang bawat bus companies na bibiyahe.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng PITX sa PNP para seguridad ng mga pasahero sa loob ng PITX Compound.
Muli namang paalala ng PITX sa publiko na mag-advance booking na upang maiwasan ang anumang pagkaantala sa kanilang biyahe at hindi maging chance passenger. | ulat ni AJ Ignacio