Naaresto ng mga tauhan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang dalawang suspek sa on-line na pagbebenta ng paputok sa entrapment operation sa Araneta Center bandang 6:20 kagabi.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief Police Colonel Jay Guillermo ang mga suspek na sina: Aldrin Curioso, 27; at Angela May Curioso, 29, kapwa residente ng San Mateo, Rizal.
Ang matagumpay na operasyon na pinangunahan ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) sa pamumuno ni Assistant Team Leader Police Lieutenant John Carl Lozada ay inilunsad matapos na ma-monitor ang iligal na pagbebenta ng paputok sa Facebook Marketplace ng isang alyas Eéy Eëm Síi.
Narekober sa mga suspek ang samu’t saring paputok kabilang ang Kwitis; Judas Belt, Fountain, Five Star, Giant Trompillo, at Luces.
Ang mga suspek ay dinala sa QCDACT para sampahan ng kasong paglabag sa RA 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices,” kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012.” | ulat ni Leo Sarne
📸: ACG