200 ambulansya, ipinamahagi ng PCSO sa mga LGU

Facebook
Twitter
LinkedIn

Aabot sa 200 na mga bagong ambulansya ang ipinamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa iba’t ibang lokal na pamahalan sa bansa.

Ito’y kasunod ng isinagawang paglagda ng deed of donation na sinundan ng ceremonial turnover sa pangunguna ni PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles at DILG Sec. Benhur Abalos Jr. bilang bahagi ng kanilang Patient Transport Vehicle Donation Program.

Layon nito na tugunan ang pangangailangang medikal ng mga nasa kanayunan partikular na iyong mga nasa liblib na lugar na hirap makaabot sa mga serbisyo ng pamahalaan.

Giit ni Robles, sa pamamagitan nito ay kumpiyansa silang magiging mabilis at ligtas na ang paghahatid ng mga pasyente patungo sa mga medical at health facility sa mga liblib na lugar.

Muli namang tiniyak ng PCSO ang kanilang pangako na susuportahan ang pangangailangang medikal ng mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga unang nabahagian sa ceremonial turn-over ay ang mga lokal na pamahalaan sa Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Ecija, Tarlac, Batangas, Laguna, Occidental Mindoro, Sorsogon, at Mt. Province.

Target naman ng PCSO na makapagpamahagi pa ng may 1,000 ambulansya sa iba’t ibang LGU sa buong bansa sa susunod na taon. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us