Nagkaroon ng magkasunod na engkwentro kahapon ang mga tropa ng 48th Infantry Battalion (48IB) at New People’s Army (NPA) sa Quezon, Bukidnon.
Nangyari ang inisyal na engkwentro bandang alas-2 ng hapon kahapon sa Sitio Migarong, Barangay Lipa kung saan nakasagupa ng mga tropa ang grupo ng NPA na kabilang sa Sub-Regional Sentro De Grabidad Peddler, North Central Mindanao Regional Committee (SRSDG Peddler, NCMRC).
Sinundan ito ng engkwentro bandang alas-9 kagabi, sa Sitio Bagong Lipunan, Barangay Linabo kung saan narekober ng mga sundalo ang dalawang 5.56mm M16A1 Rifles, isang 7.62mm CZ858, anim na backpack, at iba pang gamit pandigma ng kalaban.
Binati ni 10th Infantry “Agila” Division Commander Brig. General Allan D. Hambala ang 48IB sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Gilbert F. Gomez, sa kanilang matagumpay na operasyon laban sa mga teroristang komunista sa bayan ng Quezon.
Muli namang hinikayat ni BGen. Hambala ang mga nalalabing miyembro ng NPA sa lugar na magbaba na ng armas, kasabay ng pagtiyak ng kanilang kaligtasan kung sila ay susuko. | ulat ni Leo Sarne