Naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District–District Special Operations Unit ang tatlong indibidwal na iligal na nagbebenta sa online ng mga complimentary ticket ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kasunod ito ng paghingi ng tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa QCPD para maaresto ang mga tinutukoy na indibidwal.
Ayon sa MMDA, may kabuuang 46 na tiket ang iligal na naibenta sa pamamagitan ng Facebook sa halagang Php1,300 hanggang Php1,500 bawat isa.
Sa report, isang pulis ang nakipagtransaksyon sa isa sa mga indibidwal para bumili ng tiket at nahuli ito sa entrapment operation sa Quezon City. Sunod ding naaresto ang dalawa pang kasamahan nito.
Mahigpit na kinondena ni MMDA Acting Chairperson at kasalukuyang MMFF Over-all Chair Don Artes ang nasabing iligal na gawain, kasabay ang apela sa publiko na huwag tangkilikin ang mga tiket na ibinebenta online. | ulat ni Rey Ferrer