Iniulat ng Department of Transportation (DOTr) na hawak na nila ang mga dokumentong isinumite ng apat na consortia kaugnay sa kanilang pagnanais na maging bahagi ng modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga nagpahayag ng kanilang pagnanais ay ang Manila International Airport Consortium, Asian Airport Consortium, GMR Airports Consortium at SMC SAP & Co. Consortium.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, sa tulong ng pribadong sektor na imodernisa ang NAIA, mapatataaas nito ang kapasidad ng nabanggit na paliparan ng 60 milyong pasahero bawat taon.
Kasalukuyan kasi aniyang nasa 32 milyong pasahero lamang ang kapasidad ng mga paliparan subalit lumampas na sa 50 milyong pasahero ang nagtutungo rito.
Sa nakalipas na Christmas rush, sinabi ni Bautista na lumobo pa sa 145,000 pasahero kada araw ang dumagsa na lagpas-lagpas na sa kapasidad ng paliparan. | ulat ni Jaymark Dagala