Anim na miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang na-nutralisa sa operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas.
Ayon kay Philippine Army 2nd Infantry Division Spokesperson Lieutenant Colonel Hector Estolas, ang anim na nasawing NPA ay kabilang sa 14 na teroristang komunista na nakasagupa ng militar simula alas-2 ng madaling araw hanggang alas-6 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Lt. Col. Estolas na natunugan ng militar na magpupulong ang grupo sa layong muling buhayin ang NPA sa Batangas kaya naglunsad ng operasyon ang militar para mapigilan ang kanilang plano.
Narekober sa encounter site ang mga labi ng mga nasawing terorista at apat na armas.
Iniulat naman ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad na isang sundalo ang nasawi at tatlong iba pa ang sugatan sa bakbakan.
Ipinaabot naman ng pamunuan ng AFP ang kanilang pakikidalamhati sa pamilya ng sundalong nagbuwis ng buhay.
Kasabay ito ng pagtiyak ng buong suporta sa pamilya ng nasawing sundalo at tulong sa mga sugatan. | ulat ni Leo Sarne