Inaasahang mapapalaya ngayong buwan ng Disyembre sa Quezon City Jail Male Dormitory (QCJMD) ang may 81 Persons Deprived of Liberty (PDL).
Ayon kay City Jail Warden Jail Supt Michelle Ng Bonto, makakalaya ang mga PDL dahil na rin sa pinaigting na paralegal efforts at decongestion program ng QCJMD.
Mula Enero hanggang Nobyembre 2023, kabuuang 1,798 PDL ang pinalaya at pinakamarami ay noong Enero na may 230.
Kada buwan ay ginagawa ang pagpapalaya at nitong nakalipas na Nobyembre, panibagong 102 PDL naman ang nakalaya.
Hanggang Nobyembre 27 ngayong taon, bumaba na sa 3,151 PDL ang jail population sa QCJMD.
Una nang pinuri ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa mabilis na pagpapalaya sa 74,590 PDLs sa buong bansa.
Sabi pa ng kalihim, bumaba na sa 238% ang overcrowding sa mga jail facility mula sa 281% noong Enero ngayong taon.| ulat Rey Ferrer