Nakalabas na ng ospital at ngayo’y nasa ligtas nang kalagayan ang 9 sa 16 na sugatan sa nangyaring aksidente sa bahagi ng Manila East Road sa bayan ng Angono, lalawigan ng Rizal kagabi.
Ayon kay Angono Municipal Police Chief, P/Maj. Lauro Moratillo, minor injuries lamang ang tinamo ng mga nasugatan matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang jeepney sa isang puno.
Gayunman, isang 15-anyos na binatilyo ang inilipat sa Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City matapos na magtamo ng sugat sa mata at kinakailangang tutukan ng mga espesyalista.
Batay sa ulat ng Angono PNP, galing ng Taytay ang jeepney at patungo sanang Binangonan nang mangyari ang aksidente.
Sinasabing mayroong nakagitgitan ang jeepney na minamaneho ng isang Melvic Rivera Cruz at may tumama pa sa gilid nito, dahilan upang mapakabig ang tsuper kaya’t bumangga ito sa puno.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Cruz na nahaharap sa reklamong ‘reckless imprudence resulting in multiple physical injuries’. | ulat ni Jaymark Dagala