Malaya nang ipagdiriwang ng may 985 Persons Deprived of Liberty o PDL ang Pasko sa labas ng mga bilangguan matapos silang palayain ng Bureau of Corrections o BuCor.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr, nagmula ang mga pinalayang PDL sa iba’t ibang prison at penal farm ng BuCor na kinabibilangan ng mga acquitted o napawalang sala, nakapagsilbi ng kanilang sentensya at nabigyan ng parol.
Dahil dito, sinabi pa ni Catapang na puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Board of Pardons and Parole para pabilisin ang paglaya ng mga kwalipikadong PDL sa ilalim ng kanilang programang “Bilis Laya”.
Inatasan din nito ang kanilang legal team na pag-aralan ang iba pang legal na remedyo upang mapalaya agad ang mga preso na nakapagsilbi na ng kanilang sentensya.
Mula nang maupo bilang Kalihim ng Department of Justice si Sec. Jesus Crispin Remulla, nakapagpalaya na ang BuCor ng may kabuuang 11 libong PDL na nakapasa sa kanilang pamantayan. | ulat ni Jaymark Dagala