Kinumpirma ng Commission on Higher Education (CHED) na magpapatupad ng academic adjustment policy ang Mindanao State University (MSU) kasunod ng nangyaring bombing incident sa kanilang Marawi-campus.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHED na inatasan na ng Board of Regents (BOR) si MSU President Basari Mapupuno na magpatupad ng ilang hakbang para matugunan ang aftermath ng trahedya lalo na sa mga estudyante.
Ayon kay CHED Chair Popoy de Vera, sa ilalim ng polisiya, lahat ng mga estudyanteng nakaranas ng trauma lalo na ang dumaan ng counseling at hindi na nais pang magpatuloy ng pag-aaral ay bibigyan ng non-numerical grade at isa pang semestre para makumpleto ang kanilang academic requirements.
Ito aniya ay bilang tugon na rin sa mental health situation ng mga apektadong estudyante.
Kaugnay nito, hihingi rin ang MSU ng konsiderasyon para sa mga scholarship-granting institutions upang masiguro na hindi maapektuhan ang pagiging iskolar ng ilang estudyante.
“For those scholarships given by the university, we will relax the rules. I have also instructed the OVCCA to send letters to the scholarship-giving institutions to give consideration to our students,” ani MSU President Basari Mapupuno.
Sa panig naman ng CHED, tiniyak nito ang karagdagang financial assistance para sa mga apektadong estudyante sa nangyaring pagsabog sa pamamagitan ng Tulong Dunong para sa school year 2023-2024.
As of December 11, muli nang nagbalik ang klase sa MSU-Marawi Campus matapos maideklara ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ligtas na muling magpatuloy ang klase rito. | ulat ni Merry Ann Bastasa