Itinutulak ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang isang panukala na layong agad sirain ang mga iligal na drogang masasabat mula sa mga operasyon upang maiwasang ma-recycle pa.
Nakasaad sa kaniyang House Bill 9668, inaatasan ang lahat ng incineration facility kabilang ang mga creamtorium na ilibre ang serbisyo sa pagsira ng mga iligal na droga, partikular ang shabu.
Isa kasi sa mga matagal nang problema ang kawalan ng nakatalagang incineration facility para kagyat na masira ang mga illegal substances at hindi na mauwi sa pilferage o pangungupit para i-recycle.
“Kung maisasa-batas natin ito, mapipigilan na natin and pilferage at recycling ng illegal na droga at wala ng dahilan ang ating mga anti-drug agents na tumagal pa sa kanilang kustodya ang anumang illegal na droga na kanilang nakumpiska,” saad ng House Committee on Dangerouse Drugs chairperson.
“Kung maipapagamit sa atin ng libre ang mga incineration at cremation facilities para sunugin agad-agad ang mga kumpiskadong droga, maiiwasan na ang drug pilferage at recycling na matagal nang kinakaharap ng ating lipunan,” dagdag pa ni Barbers.
Bilang kapalit, bibigyan sila ng tax incentive na katumbas ng 10% tax credit ngunit hindi hihigit ng ₱50,000 ng kanilang taxable gross income sa loob ng dalawang taon.
Ang mga lalabag naman oras na maisabatas ang Prompt Dangerous Drugs Destruction Act of 2023 ay mahaharap sa suspensyon, revocation o non-renewal ng license o permit to operate.
Ang PDEA ang mangunguna sa pagtukoy ng crematorium o incineration facility na dapat ay malapit sa korte na may hurisdiksyon sa kaso o kung saan nasabat ang droga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes