Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magpapalakas ng batas ng Pilipinas kontra agricultural smuggling.
Sa botong 18 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag-abstain ay aprubado na sa mataas na kapulungan ang senate bill 2432 o ang panukalang batas na magre-repeal sa Republic Act 10845 o ang Anti-agricultural Smuggling Act of 2016.
Sa ilalim ng naturang panukala, ang agricultural smuggling, hoarding, profiteering at cartel ay ikokoksiderang economic sabotage kung ang halaga ng produktong masasangkot ay hindi bababa ng isang milyong piso.
Nakapaloob rin sa panukala ang pagbubuo ng Anti-agricultural Economic Sabotage Council na mapapasailalim ng Office of the President o kanyang designated permanent representative.
Bubuuin ito ng Department of Agriculture (DA); Department of Trade and Industry (DTI); Department of Justice (DOJ); Department of Finance (DOF); Department of the Interior and Local Government (DILG); Department of Transportation (DOTr); Anti-Money Laundering Council (AMLC); at Philippine Competition Commission (PCC).
Magkakaroon rin ng mga kinatawan mula sa sektor ng asukal, bigas at mais, livestock at poultry, prutas at gulay, fisheries at iba pang produktong pandagat, at tobacco.
Itinatakda ng panukalang ito na ang mapapatunayang guilty ng anumang ipinagbabawal na gawain sa ialim nito ay papatawan ng habangbuhay na pagkakakulong at papatawan ng multang tatlong beses ng halaga ng nakumpiska mula sa kanila.
May parusa rin para sa kawani o opisyal ng gobyerno na mapapatunayang sangkot o nakikipagkuntsama sa mga smuggler.
Sertipikadong urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ito.| ulat ni Nimfa Asuncion