Nais ni Senador JV Ejercito na madekalarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at agad itong ipa-repatriate sa kanilang bansa.
Kasunod ito ng panibagong pag-atake ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas.
Ayon kay Ejercito, ang mga combative statement ng Chinese ambassador ay hindi nakatutulong sa sitwasyon dahil ang kailangan ngayon ay isang diplomatic figure na kayang pakalmahin ang lahat.
Iginiit ng senador, na hindi isolated incident ang paggamit ng water cannons ng Chinese Coast Guard dahil maituturing na itong pattern of bullying na ilang buwan nang nangyayari.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang mapanganib na paggamit ng Tsina ng pinaniniwalaang long-range acoustic device, dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya dito.
Ipinunto ni Ejercito, na malinaw ang intensyon ng Chinese vessels na magdulot ng pinsala at targetin ang communication at navigation equipment ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels ng Pilipinas.
Samantala, muling nanawagan ang senador sa gobyerno na madaliin na ang modernization sa armed forces at palakasin ang ating defense posture. | ulat ni Nimfa Asuncion