Bukas na muli sa daloy ng trapiko ang magkabilang lane ng Marcos Highway na sakop ng Brgy. Barangka sa Marikina City.
Inabot ng mahigit dalawang oras bago nabuksan sa trapiko ang naturang kalsada matapos bumagsak ang dalawang poste ng mga telco habang tumagilid naman ang dalawang iba pang poste.
Mag-aalas onse kagabi nang isang truck na may kargang yero ang dumaan sa lugar kung saan nahatak nito ang mga kawad na siyang nagresulta sa pagtumba at pagtagilid ng mga poste.
Dahil dito, iniulat ng Marikina City Rescue 161 na isa ang nasawi habang dalawan ang nasugatan sa insidente.
Kinilala ang nasawi na si Mark Erwin Canlas, 16 anyos na nabagsakan ng poste habang naghihintay ng masasakyang jeepney pauwi mula sa kanilang pamamasyal kasama ang mga kaibigan sa Riverbanks.
Nabatid na mabilis ang takbo ng naturang truck kaya angyari ang insidente kung saan, sugatan ang pahinante ng truck gayundin ang sakay ng kasunod nitong L300 van.
Agad dinala sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang mga biktima na pawang nagtamo ng minor injuries.
Nasa kustodiya na ng Marikina City Police Station Vehicular Traffic Investigation Unit ang truck driver na tumangging magbigay ng pahayag. | ulat ni Jaymark Dagala