Pinagana na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Disaster Online Reporting and Monitoring System sa mga regional at field offices nito para agad na matututukan ang sitwasyon kasunod ng tumamang 7.4-magnitude na lindol sa bahagi ng Surigao del Sur noong Sabado.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., naka-deploy na rin ang kanilang ground assets para magsagawa ng damage assessments at agad na makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhang pamilya.
Pagtitiyak nito na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat upang maihatid ang kinakailangang tulong ng mga apektado sa pinakamabilis na paraan at panahon.
Kasunod nito, nanawagan ang kalihim sa mga residente na patuloy na pag-ibayuhin ang pag-iingat lalo’t ayon sa PHIVOLCS ay may inaasahan pang mga aftershocks kasunod ng insidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa