Muling tiniyak ng Department of Health (DOH) na may nakalatag nang surveillance system ang bansa para sa mga influenza-like illness sa gitna ng pagtaas ng kaso ng mga respiratory illnesses at banta ng walking pneumonia sa Pilipinas.
Sa pagdinig ngayong araw ng Senate committee on health, nanghingi ng update si committee chairman Senador Christopher ‘Bong’ Go tungkol sa estado ng paghahanda ng bansa sa mga lumalaganap na respiratory illnesses.
Bagama’t aminado ang health department na magkakamukha ang COVID-19, pneumonia, at influenza ay may paraan naman para i-test ito sa ngayon.
Ayon kay Dra. Alethea de Guzman ng Epidemiology Bureau ng DOH, kaya nang matukoy ng research institute for tropical medicine (RITM) kung anong klase ng virus o sakit ang tumama sa isang indibidwal.
Ipinaliwanag rin ni De Guzman, for surveillance purposes ay libre lang pagpapakuha ng sample sa RITM.
Available rin aniya sa maraming ospital ang test para sa influenza-like illness (ILI) pero dahil for diagnosis ito ay may bayad ito.
Maaari naman aniya itong i-cover ng PhilHealth.
Kasabay nito ay pinag iingat ng health department ang publiko, lalo na ang mga bata, matatatanda at may commorbidity sa mga respiratory illnesses lalo’t sila ang kadalasang tumutuloy sa malalang sakit. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion