Ni-relieve muna sa pwesto ang pulis na nagmamaneho ng Police mobile na bumangga sa isang bus sa EDSA Busway sa bahagi ng Quezon City, kahapon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, layon nito na mabigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon laban sa nasasangkot na pulis na mula sa National Police Training Institute.
Batay sa inilabas na dashcam video ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation o SAICT ng Department of Transportation (DOTr), binabagtas ng bus ang EDSA Busway sa EDSA Santolan Southbound nang biglang pumasok ang police mobile.
Dahilan para kumabig ang driver ng bus at bumangga sa railings ng MRT 3 at nagresulta naman sa pagkakasugat ng limang pasahero nito.
Paalala naman ng DOTr, maging maingat sa pagpasok sa busway dahil kahit awtorisadong pumasok doon ang isang sasakyan mananatili pa ring prayoridad ang kaligtasan ng mga pasahero na pinagsisilbihan ng mga public utility bus. | ulat ni Jaymark Dagala