Extended hanggang December 31, 2024 ang pagpapatupad ng pansamantalang bawas sa import duty rates ng ilang import products gaya ng bigas, mais, at karneng baboy.
Ito’y upang tiyakin ang abot-kayang presyo ng mga produkto sa gitna ng nakaambang epekto ng El Niño phenomenon at African Swine Fever (ASF).
Batay sa Executive Order (EO) No. 50 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, binanggit dito na ang hakbang ay bilang aksyon na din sa negatibong epekto ng El Niño sa presyo at produksyon ng bigas at mais bukod pa ang patuloy na banta ng ASF at trade restriction sa ilang nag-e-export na mga bansa na makakaapekto sa presyo ng mga primary commodities.
Kailangan ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawigin pa ang implementasyon ng reduced tariff rates upang mapanatili ang abot-kayang presyo sa merkado, batay na rin sa kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Kasabay nito, binigyang direktiba ni Pangulong Marcos ang NEDA Committee on Tariff and Related Matters na isumite ang kanilang mga findings at rekomendasyon sa pagsusuri sa buwis kasama ang monitoring ng mga nabanggit na produkto. | ulat ni Alvin Baltazar