Ipinahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang kanyang galit sa China kasunod ng huling insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa regular na Rotation and Ressuply mission (RoRe) sa Ayungin Shoal kahapon.
Ayon kay Gen. Brawner nakasakay siya sa resupply boat Unaizah Mae kahapon nang gamitan ito ng water cannon ng Chinese Coast Guard at tinangka pang banggain.
Sinabi ni Gen. Brawner na personal niyang naranasan ang hirap na dinaranas ng mga nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre sa mapanganib at iligal na aksyong ginagawa ng Chinese Coast Guard.
Paliwanag ni Brawner, nagdesisyon siya na bumisita sa mga tropa sa BRP Sierra Madre na ipinaalam niya sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para bigyang-pahalaga ang malaking sakripisyong ginagawa nila sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Gen. Brawner na iuulat niya kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang kanyang naranasang pangha-harass ng China at pag-uusapan nila ang susunod na hakbang ng AFP. | ulat ni Leo Sarne