Patungo na ang ground search party sa lokasyon ng bumagsak na Piper Plane RPC 1234 sa bisinidad ng Brgy. Casala, San Mariano, Isabela.
Ito’y makaraang matagpuan kaninang alas-8:05 ng umaga ng Philippine Air Force Sokol helicopter ang nawawalang eroplano.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, iniulat ng Tactical Operations Group 2 na namamahala sa air operations sa lugar, na bukod sa Sokol helicopter tumulong din sa aerial search ang R44 aircraft ng Lion Air.
Bagamat hindi aniya nakalapag ang Sokol helicopter sa crash site dahil sa malakas na hangin, namumuong hamog at “mountainous terrain”, naibigay nila sa ground search party ang eksaktong lokasyon ng bumagsak na eroplano.
Ang search party ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRO) unit ng Palanan, San Mariano at Divilacan, kasama ang mga dumagat na guide.
Sinabi ni Castillo, na naka-standby din ang mga parajumper ng PAF at iba pang rescue helicopter ng 505th Search and Rescue Group para sa posibleng aerial rescue kapag gumanda ang panahon. | ulat ni Leo Sarne